Tuesday, July 21, 2015

Hindi lahat ng Juan ay tamad

   Juan Tamad .. di ba siya ay isang binata na walang ginawa kung hindi matulog at parang lantang gulay kapag inuutusan ng kanyang ina. Paano kung ang Juan na ating nakilala sa bansag na "Juan Tamad" ay maging si "Juan Masipag"? Ano kaya ang naging dahilan nito??
Tayo'y magbalik tanaw sa kwento ni Juan.

   Tanghaling tapat ay nakahiga na sa Juan sa ilalim ng puno ng bayabas  hinihintay ang paglaglag ng bunga nito. Napakatamad talaga, hanggang sa naunahan siyang kunin ng isang babae na nagngangalang Maria. Agad na nabighani si Juan sa kanyang kagandahan. Siya'y umakyat ng ligaw sa dalaga at ng kanya ng harapin ang ina nito, hindi mapigilan ng ina ni Maria na magbalik tanaw ng ilan sa mga katamarang ginawa ni Juan. 

   Una,  ay ng utusan siya ng kanyang ina na ilako ang paninda nitong puto. Kahit na tamad na tamad ay naglako si Juan. Sa kanyang paglalako ay naisip niyang baka mabilad ang mga puto sa araw, kaya naman kinain niya ito at habang siya'y kumakain nakita niya ang mga palaka na para bang nagmamakaawa na bigyan niya ito, at ganun nga ang nangyari pinagsaluhan nila ang puto na dapat ay kanyang ilalako. Paguwi ay hinanap ng kanyang ina ang pinagbentahan nito, at doon ikwenento ni Juan ang nangyari, agad na nagalit ang kanyang ina at hinabol siya ng walis tingting.

   Pangalawa, inutusan siya ng kanyang ina na ibenta ang mga palayok. At dahil sa sobrang kaantukan ni Juan ay di niya napansin ang parating na si Maria na nakasakay sa bisikleta.Dahil sa kawalan ng preno ay hindi sinasadyang bumangga si Maria rito at nahulog ang kanyang mga dalang palayok at nabasag. Dahil sa nangyari ay nagisip si Juan ng maaaring gawin rito upang hindi magalit ang kanyang ina. Nagkataong noong araw na iyon ay laganap ang pangangati ng katawan ng kanyang mga kabaryo dahil sa mga garapata. Naisipan niyang dikdikin ang mga basag basag na palayok, hanggang sa ito'y maging pino. Kanya itong binenta bilang gamot pangtanggal ng garapata. Agad naman itong naubos, ngunit ng hindi tumalab ang epekto nito ay hinabol siya ng taong bayan at pinagalitan na naman ng kanyang ina.

   Pangatlo, dahil siya'y naparusahan ng kanyang ina na lumuhod sa asin inutusan siya nito na bumili ng asin. At habang siya ay pabalik na, nakita niya ang dagat, ito'y napakalinaw at labis na kaakit akit. At dahil hindi niya na mapigil ang magtampisaw dito. Bago siya lumusong ay kanya munang itinago ang asin sa ilalim ng lupa at pinatungan ng bato upang hindi kuhain ng magnanakaw saka pumunta sa dagat. Sa kanyang pagbalik ay nawala na ang asin. Hindi niya naisip na ito'y natunaw pala sapagkat naaabot ng tubig ang kanyang pinagtaguan ng asin.Bumalik siyang walang dalang asin at pinagalitan na naman ng kanyang ina.

   Pang-apat, habang si Juan ay nangingisda siya ay natutulog, kanya lamang itinali ang pangmingwit sa kanyang paa. Sa kanyang pag tulog hindi niya alam na  ang dulo ng ilog ay talon kung saan maaari siyang mahulog, mabuti na lamang at siya'y niligtas ni Maria.

   Panglima, nagpabili ang kanyang ina ng alimango, habang pauwi dala dala ang kanyang pinamili ay nakita niya si Maria na may bitbit na durian, kanyang inutusan ang mga alimango na maunang umuwi sa kanilang bahay sapagkat tutulungan niya pa si Maria. Sa kanyang paguwi ay agad siyang pinagalitan ng kanyang ina dahil nga naman hindi makakauwi ng magisa ang mga alimango. Dahil sa labis na galit ay sumama ang pakiramdam ng kanyang ina. At dahil sa labis na pagaalala si Juan na ang nagluto,nagsaing,naglinis ng bahay, at maging ang pagtitinda ng palayok.

   Walang tigil na pagkekwento ng ina ni Maria. Ngunit agad naman itong pinanindigan ni Juan na siya ay nagbago na at mas lalo pa siyang magiging masipag upang makuha ang kamay ni Maria. At agad naman itong pinatunayan ni Juan, siya ang nagpapakain ng mga alagang hayop nito, nagpuputol ng kahoy at maging ang paglilinis sa bakuran nila Maria. Di nagtagal ay nagpakasal ang dalawa. Ikinasal na Si Juan Tamad kay Mariang Masipag.

  Sa kwentong ito'y talaga nga namang ang dating si Juan Tamad ay naging Juan Masipag dahil sa kanyang mga minamahal na tao gaya na lamang ng kanyang ina at ni Maria. Patunay lamang ang kwento na ito na hindi lahat ng Juan ay Tamad.

No comments:

Post a Comment