Friday, January 8, 2016

Sana ngayong taon....

           10...9....8...7...6....5...4..3..2...1 "HAPPY NEW YEAR!" Grabe! Sa dami ng mga kaganapang yumanig sa buong mundo noong nakaraang taon, hindi ko na napansin na magpapalit na pala kami ng kalendaryo sa bahay. Pati edad ko madadagdagan na naman! Nako! Ano ano na naman kaya ang magaganap ngayong taon? Manalo kaya ulit ang Pilipinas sa Miss Universe?  o mapupunta na sa Tsina ang Spratlys? Ilan lang yan sa mga patuloy na inaabangan ng mga pinoy ngayong taon.
        
            Eh ako? ano ba ang mga gusto kong mangyari sa akin ngayong taon? ano ba ang New Year's Resolution ko?

1.Unang una sa listahan at hindi na yata mawawala ay ang MAGPAPAYAT! Taon taon na lang talaga. Pag tinatanong ako yan lagi ang sagot. Ang hirap naman kasi pigilan pag gutom eh. Pero syempre pipilitin ko. Tiwala lang!

2. Wag ipagpabukas ang gawain ngayon! Sana lang mabago ko ito para hindi na ako matambakan ng gawain at kapusin sa oras. Pero kahit ganun natatapos ko rin naman. Mahirap nga lang talaga kapag maramihan.

3. Bawasan ang pagbabasa ng ebook. Hindi naman sa napapabayaan ko na ang mga takdang aralin ko. Pero kadalasan kasi ng oras ko ay nakakain lang para sa pagbabasa nto. Sana mabago ko rin ito.

            Yan lang naman ang mga gusto kong baguhin o bigyang pansin ngayong 2016. Magbago man o hindi basta sinubukan ko. Wala namang masama sa pagbabago. Wag lang nakakasakit sa kapwa mo.

"Sa Paglipas ng Panahon, Maaalala niyo pa rin kaya ako?" Dr.Jose Rizal

               Ika- 30 ng Disyembre taong 1896  hinatulan ng kamatayan si Dr. Jose Rizal dahil sa kanyang labis na pagmamahal sa inang bayan. Siya'y nakipag espadahan gamit ang mga matatalim na salita na kanyang isinulat para sa mga espanyol. Gamit lamang ang plumang panulat ay nagawa niyang magreporma sa nasabing bansa.

               Bilang pagbibigay pugay sa kanyang mga nagawa ay ating patuloy na ginugunita at ipinagdiriwang ang kanyang kabayanihan. Maging ako ay labis na humahanga sa kanya at sa iba pang bayani na nagbuwis ng buhay upang makalaya sa malulupit na kamay ng mga banyaga.

               Ngunit, habang tumatagal ang panahon ay patuloy na ring kinakalimutan ng iba ang kanilang paghihirap. Patuloy itong nasasapawan ng iba't ibang makabagong kagamitan  ngayon. Lalong lalo na ang mga kabataang tulad ko na naaadik  at nakadepende sa teknolohiyang ito. Mga gadgets na akala mo'y dun na umiikot ang buong mundo. Minsa'y pa'y may nagtanong sa akin "Kaya mo bang mabuhay ng wala ang cellphone mo?" napaisip ako, kaya ko ba?.  Gaya ko, mas aking binibigyang pansin ang mga bagay bagay ngayon at nagagawa ng limutin pa ang kwento ng nakaraan.

                Malungkot man ang katotohang ito ngunit di pa rin mabubura sa tala ng kasaysayan ang kanilang mga sakripisyo at pagmamahal sa Perlas ng Silanganan. Ang Pilipinas.

                Kaya ako bilang kabataan ng kanilang mga ipinaglaban ay patuloy na ipagmamalaki ang mga kagaya nila.Patuloy mang napapalitan ang kasaysayan ay akin pa rin itong nais balikan bilang isang mamamayan ng aking bansang sinilangan.

Thursday, January 7, 2016

Namamasko Po!

              Bili...Linis..Luto...Hiwa ng rekados..Pagaasikaso sa bisita. ..Teka ano bang meron? Sino bang darating? Tignan nga natin. Parol? check! Christmas Tree? check! Pagkain? check? ayy baka pas--- "Namamasko Po!" Pasko na nga!
          
              Buwan palang ng Oktukbre ay talaga namang damang dama na ang pasko. Bukod kasi sa nagkikislapang mga parol ay talaga namang napakalamig na ng simong ng hangin. Senyales na palapit na ang pasko.

              Disyembre 25 ang araw ng pasko ngunit nakagawian na nating mga pinoy na hintayin ang pagpatak ng oras sa alas dose ng umaga upang salubungin at ipagdiwang ang kapanganakan ni Hesus. Bawat pamilya ay may kanya kanyang hinandang pagkain na kanilang pagsasaluhan sa araw na ito. Simple man o magara ang handa basta buo ay pamilya ay ayos na.

             Ika-24 ng Disyembre, Abalang abala ang aking mama sa paglilinis ng bahay habang ang iba naman ay kanya kanyang gawain. May tagaluto, tagabili, taga ihaw at taga hugas ng ginamit na pinggan. Ang lahat sa amin ay nagkakaisa. Mabilis na lumipas ang oras at ilang minuto na lang ay Pasko na. Maayos na ring nakahanda ang mga aming pagkain. Carbonara, inihaw na baboy at baka, pizza, palabok, menudo, suman at softdrinks. Nakakatakam naman! Hanggang sa ---- " Merry Christmas!" Pasko na! Kanya kanyang batian at syempre kanya kanya ding kuha ng plato para simulan na ang pagsasalo. Simple man ang Pasko ko naging napakasaya naman nito.

Ang babait ninyo Thank You!

          Grabe ang bilis ng panahon. Parang kelan lang ang pasukan ngayon pasko na. Syempre sa bawat pasko na dumarating ay hindi mawawala ang ating mga wishlist ng gustong matanggap sa araw ng pasko. Ngayong paskong ito eto ang aking wishlist:

1. Libro nung gustong kong kwento -unang una talaga yung libro kasi mahilig akong magbasa. Lalo na kapag ang ganda nung kwento. Lalo na kapag tungkol sa mga "mysteries".

2. Journal - Bilang isang writer kelangan ko nito. Kapag may isusulat na mga artikulo o hindi kaya pagmagiinterview.

3. Kahit ano basta may tatak ng paborito kong Kpop artist na si Luhan. Siya ay kasali sa grupo ng Exo na sikat na sikat ngayon.

4. Pagmamahal - Hindi man nabibili pero naibibigay. Hindi ito yung girlfriend-boyfriend. Ito yung bumubuo sa mas masayang samahan sa pamilya man o kaibigan.

        Karamihan man sa gusto ko ay materyal na bagay, hindi pa rin nito matutumbasan ang mga regalo na bukal sa loob na iyong ibibigay. Mahal man o mura basta nais mong mapasaya ang iyong bibigyan ay sapat na para sumaya ang pasko. Ika nga nila "ang tunay na diwa ng pasko ay pagbibigayan". Kaya sa lahat ng nagbigay ng regalo sa akin " ANG BABAIT NINYO, THANK YOU!".

Friday, October 30, 2015

10 gagawin sa sembreak

             Sembreak na naman! Ibig sabihin nito ay isang linggo kaming walang pasok, isang linggong pahinga. At sa isang linggong ito, ito ang listahan ng aking gagawin :

1. Magpahinga - ito ang unang una kong gagawin. Dahil sadyang nakakapagod ang mga linggong lumipas lalo na't marami akong ginawang proyekto at naganap din ang aming pagsusulit. Bukod pa dito ay sumalang din ako sa iba't ibang paligsahan gaya ng Div. QuizBee, DSPC, Collab, at paggawa ng aming dyaryo.

2. Paggawa ng Takdang Aralin - akin munang gagawin ang mga takdang araling binigay para sa mga susunod na araw ay hindi na ako tamading gumawa.

3. Paggawa ng mga Artikulo - kelangan ko talaga itong magawa sapagkat kelangan ito para sa aming dyaryo.

4. Pagpunta sa eskwelahan - hindi para pumasok sa klase ngunit para tumulong sa paggawa ng mga artikulo lalo na't malapit na ang pasahan nito.

5. Pagbabasa ng mga aralin sa susunod na markahan - para maging handa na rin ako sa aming tatalakayin sa oras ng klase.

At ang ika- anim hanggang sampu ay ang MATULOG! dahil kulang na kulang talaga ang aking tulog noong mga nakalipas na linggo sa tambak kong gawain.

Mabilis mang matapos ang isang linggo ngunit kahit ganon ay nabigyan rin ako ng pahinga, :)


Monday, October 12, 2015

Tara, mamasyal sa Korea !

      2015- Sa panahong ito mas lumalaki ang nagiging impluwensiya ng mga dayuhang bansa sa atin, ngunit mas higit na angat ang bansang Korea. Mapadrama man , kanta , bidang aktor at maging kanilang produkto ay ating tinatangkilik. Maging ako man nawiwili sa bansang ito, isa na riyan ang sikat na Kpop group na EXO. Mula sa kanilang kaarawan hanggang kani kanilang personal na buhay ay aking madalas sundan. Isa pa sa higit na hinahangaan ko sa bansang ito ay ang iba't ibang pook na nanaisan mo talagang puntahan. Ito ang 10 sa aking pinakagustong mapuntahan sa bansang Korea:

1. Seopjikoji, Jeju Island
2. Haeinsa Temple, Hapcheon
3. Yeojwa Stream
4. Bulguksa Temple
5. Halla Mountain
6. Silk Fall, Jiri Mountain
7. Yang Dong Traditional Village
8. Nami Island
9. Haeundae Beach
10. Nuri Peace Park

    Ilan lamang iyan sa mga naggagandahang tanawin sa Korea na nais kong marating. Hindi man sa panahong ito ngunit tiyak na mabibisita ko rin lahat ng iyan.

Friday, August 21, 2015

Naku! bagong markahan na naman

      Naku! bagong markahan na naman. Ang bilis lumipas ng panahon parang kahapon lang bumibili lang ako ng panggamit sa eskwelahan, ngayon itutuloy ko na naman ang walang humpay na pakikipaghanapan kay "x" sa Mathematics, pag-alam sa mga bagay-bagay sa Science, patuloy na pagbabasa ng akda sa Filipino at English, pagguhit ng mga kahon sa TLE, pagtuklas sa History at kung ano ano pa. Tiyak na mapupuno na naman ang utak ko ng mga bagong kaalaman na mapapanganga nalang ako at mapapatanong ng "ay, ganon pala yun?". Sana sa markahang ito ay patuloy akong makasabay sa talakayan, makasagot sa tanungan, at makapasa sa exam. Naku! bagong markahan na naman.