Thursday, July 23, 2015

Taunang Earthquake Drill


     Ika-23 ng Hulyo ay aming isinagawa ang taunang Earthquake Drill na nilahukan ng lahat ng estudyante ng Mambugan. Dito ay malalaman natin ang dapat gawin sa oras ng ganitong sakuna. Dito ay matututo tayo ng mga bagay na ating dapat gawin sa oras ng paggalaw ng lupa na maaaring magdulot na malakihan at malawakang pinsala na maaaring kumitil ng buhay kung hindi mapaghahandaan.
     Taon - taon kung ito'y isagawa na nilalahukan ng buong bansa para magkaroon ng kahandaan ang bawat indibidwal sa maaaring mangyari sa oras na dumating ito. Paano ito mapaghahandaan kung mismong ang mga estudyante na nagsasagawa ng ganitong seryosong aktibidad ay hindi magawang magseryoso. Maraming hindi sumusunod sa dapat gawin, maraming nagpupulbo  ng mukha habang nasa pila, maraming kumukuha ng kanya kanyang litrato, maraming nagtatawanan habang lumalakad, ang iba naman ay nagagawa pang bumili ng inumin sa kalapit na tindahan. Ito ba talaga ang dapat gawin sa ganitong aktibidad? Paano na lang pala kapag ito'y hindi inaasahang dumating?
    Aaminin ko, noong ako'y nasa elementarya pa lamang ang hindi ko sineseryoso ang earthquake drill sapagkat hindi ko pa alam ang dahilan at maging ang tulong nito para sa akin. Ngunit ngayong nasa highschool na ako, bagaman tirik ang araw ay di ko maiwasang magseryoso at mainis sa mga kapwa ko estudyante na ganun na lang magtawanan sa gitna ng drill na ito. Magkahalong inis at pagkayamot na dagdagan pa ng mainit na klima ay di ko maiwasang sawayin ang mga kapwa ko kamag-aral, magalit man sila ay ginawa ko lang ang tamang dapat gawin.
    Hindi man natin alam kung kailan at kung saan tayo aabutan ng parusa ng kalikasan ay tama na maging handa tayo sa ganitong pangyayari.
   

Tuesday, July 21, 2015

Kaibigan kong TUNAY

  Tunay na kaibigan, isang tao na mahirap hanapin. Bakit nga ba mahirap? Eh di ba simpleng tao lang naman yan! Hindi naman siguro yan si batman at superman?! yan marahil ang sinasabi ng iba sa mga taong ganto ang depinisyon sa tunay na kaibigan. Sabagay, tama nga naman sila, tao lang yan ngunit hindi naman yun ang tinutukoy ko. Ang ibig kong sabihin ay yung mga taong TUNAY ang paguugali. Hindi sa sinasabi kong maraming peke ang ugali. Pero kadalasan kasi sa aking nakikitang mga magkakaibigan ay dahil  lamang sa nakukuha nila dito. Gaya na lamang ng kaibigan kita dahil pinakopya mo ako ng takdang aralin, kaibigan kita dahil pinautang mo ako, kaibigan kita dahil lagi mo akong nililibre. Kaibigan ba ang matatwag sa mga ganong dahilan? Kaibigan dahil nakikinabang ka dito? Paano pala kapag hindi ka na pinakopya? hindi ka na pinautang? hindi ka na nilibre? edi magkaaway na kayo? yun ang pinupunto ko hindi lahat ng kaibigan ay TUNAY sapagkat karamihan sa kanila ay nagpupumilit lamang maging tunay sa oras ng pangangailangan. Nakakalungkot man isipin ngunit ganyan na ang kalakalan ngayon, kung hindi ka mapapakinabangan ay di ka kilala at kapag magaling ka aba kayo na ang magbestfriend! Pero ano nga ba ang mga gusto kong katangian ng aking TUNAY na kaibigan? Sa totoo lang nakilala ko na sila. Madalas man ay nagtatampo ako sa kanila pero mabilis lamang iyong lilipas. Sila kasi yung mga taong pagtatawanan ka hindi dahil nagkamali pero pagtatawan ka nila para tumawa ka rin sa dun sa pagkakamali mo at baguhin mo iyon ng hindi ka nalulungkot dahil nagkamali ka. Kayo yung magkakaibigan na hindi naglalaglagan. hindi nagtuturuan kapag may problema sa halip ay pinagtutulungan niyo iyong itama. kayo yung sa oras na walang nagawa yung isa pero sisikapin niyong tulungan siya para lahat kayo meron. Kayo yung hindi nagbibilangan ng itinulong para mas maging maayos yung pagkakaibigan niyo. At higit sa lahat hindi sila yung tipo ng mga tao na huhusgahan ka sa kung ano yung mga kakulangan mo pero tutulong pa sila para mapunan ito. Ngayon, sabihin niyo sakin sino ang TUNAY na kaibigan mo?

Hindi lahat ng Juan ay tamad

   Juan Tamad .. di ba siya ay isang binata na walang ginawa kung hindi matulog at parang lantang gulay kapag inuutusan ng kanyang ina. Paano kung ang Juan na ating nakilala sa bansag na "Juan Tamad" ay maging si "Juan Masipag"? Ano kaya ang naging dahilan nito??
Tayo'y magbalik tanaw sa kwento ni Juan.

   Tanghaling tapat ay nakahiga na sa Juan sa ilalim ng puno ng bayabas  hinihintay ang paglaglag ng bunga nito. Napakatamad talaga, hanggang sa naunahan siyang kunin ng isang babae na nagngangalang Maria. Agad na nabighani si Juan sa kanyang kagandahan. Siya'y umakyat ng ligaw sa dalaga at ng kanya ng harapin ang ina nito, hindi mapigilan ng ina ni Maria na magbalik tanaw ng ilan sa mga katamarang ginawa ni Juan. 

   Una,  ay ng utusan siya ng kanyang ina na ilako ang paninda nitong puto. Kahit na tamad na tamad ay naglako si Juan. Sa kanyang paglalako ay naisip niyang baka mabilad ang mga puto sa araw, kaya naman kinain niya ito at habang siya'y kumakain nakita niya ang mga palaka na para bang nagmamakaawa na bigyan niya ito, at ganun nga ang nangyari pinagsaluhan nila ang puto na dapat ay kanyang ilalako. Paguwi ay hinanap ng kanyang ina ang pinagbentahan nito, at doon ikwenento ni Juan ang nangyari, agad na nagalit ang kanyang ina at hinabol siya ng walis tingting.

   Pangalawa, inutusan siya ng kanyang ina na ibenta ang mga palayok. At dahil sa sobrang kaantukan ni Juan ay di niya napansin ang parating na si Maria na nakasakay sa bisikleta.Dahil sa kawalan ng preno ay hindi sinasadyang bumangga si Maria rito at nahulog ang kanyang mga dalang palayok at nabasag. Dahil sa nangyari ay nagisip si Juan ng maaaring gawin rito upang hindi magalit ang kanyang ina. Nagkataong noong araw na iyon ay laganap ang pangangati ng katawan ng kanyang mga kabaryo dahil sa mga garapata. Naisipan niyang dikdikin ang mga basag basag na palayok, hanggang sa ito'y maging pino. Kanya itong binenta bilang gamot pangtanggal ng garapata. Agad naman itong naubos, ngunit ng hindi tumalab ang epekto nito ay hinabol siya ng taong bayan at pinagalitan na naman ng kanyang ina.

   Pangatlo, dahil siya'y naparusahan ng kanyang ina na lumuhod sa asin inutusan siya nito na bumili ng asin. At habang siya ay pabalik na, nakita niya ang dagat, ito'y napakalinaw at labis na kaakit akit. At dahil hindi niya na mapigil ang magtampisaw dito. Bago siya lumusong ay kanya munang itinago ang asin sa ilalim ng lupa at pinatungan ng bato upang hindi kuhain ng magnanakaw saka pumunta sa dagat. Sa kanyang pagbalik ay nawala na ang asin. Hindi niya naisip na ito'y natunaw pala sapagkat naaabot ng tubig ang kanyang pinagtaguan ng asin.Bumalik siyang walang dalang asin at pinagalitan na naman ng kanyang ina.

   Pang-apat, habang si Juan ay nangingisda siya ay natutulog, kanya lamang itinali ang pangmingwit sa kanyang paa. Sa kanyang pag tulog hindi niya alam na  ang dulo ng ilog ay talon kung saan maaari siyang mahulog, mabuti na lamang at siya'y niligtas ni Maria.

   Panglima, nagpabili ang kanyang ina ng alimango, habang pauwi dala dala ang kanyang pinamili ay nakita niya si Maria na may bitbit na durian, kanyang inutusan ang mga alimango na maunang umuwi sa kanilang bahay sapagkat tutulungan niya pa si Maria. Sa kanyang paguwi ay agad siyang pinagalitan ng kanyang ina dahil nga naman hindi makakauwi ng magisa ang mga alimango. Dahil sa labis na galit ay sumama ang pakiramdam ng kanyang ina. At dahil sa labis na pagaalala si Juan na ang nagluto,nagsaing,naglinis ng bahay, at maging ang pagtitinda ng palayok.

   Walang tigil na pagkekwento ng ina ni Maria. Ngunit agad naman itong pinanindigan ni Juan na siya ay nagbago na at mas lalo pa siyang magiging masipag upang makuha ang kamay ni Maria. At agad naman itong pinatunayan ni Juan, siya ang nagpapakain ng mga alagang hayop nito, nagpuputol ng kahoy at maging ang paglilinis sa bakuran nila Maria. Di nagtagal ay nagpakasal ang dalawa. Ikinasal na Si Juan Tamad kay Mariang Masipag.

  Sa kwentong ito'y talaga nga namang ang dating si Juan Tamad ay naging Juan Masipag dahil sa kanyang mga minamahal na tao gaya na lamang ng kanyang ina at ni Maria. Patunay lamang ang kwento na ito na hindi lahat ng Juan ay Tamad.